Friday, June 22, 2018

Bakit Dapat Maging Legal Na Ang Same-Sex Civil Union Sa Pilipinas

Malamang title pa lang kontrang kontra ka na, pero ok lang. Lalo na kung isang kang debotong Katoliko o conservative type Sige, immoral na kung immoral. Kahit anong masasamang salita o mura, tatanggapin ko. Pero sana, basahin mo muna ang paliwanag ko kung bakit tingin ko dapat payagan ang same-sex civil union dito sa Pilipinas.

Loading...


Una, iba ang same-sex civil union sa same-sex marriage. Dito, wala talagang kasalan na magaganap, so chill ka lang. Ang importante, magkakaroon na ng legal na karapatan ang mga same-sex couples. After all, sino ba tayo para hadlangan kung masaya at totoo silang nagmamahalan? May maikli akong kwento sayo, basahin mo.

Nung 1999, nagre-rent pa kami ng family ko ng isang maliit na bahay sa San Pedro, Laguna at isa pa lang anak namin. May naging kapitbahay kaming tibo at girlfriend nya, na tawagin ko na lang Gabs at Mely. Mga nasa late 30s na si Gabs nun at si Mely naman nasa late 20s. Mga 3 years na daw silang nagsasama bilang mag-asawa.

Si Mely, may anak sa pagkadalaga na mga 2 years old nung time na nagkakilala sila. Ang siste, nabuntis daw ng boyfriend pero ayaw panatugan kahit binata naman sya. In short, matagal nang wala na sa eksena yung lalaki. Magkasama dati sina Gabs at Mely sa trabaho, at dun nga sila nagka-inlaban. Pero si Gabs, nakasama sa retrenchment. Meaning, nawalan ng trabaho.

At dahil walang ibang mag-aalaga sa bata, hindi na nag work uli si Gabs. Siya ang naging taong bahay at inalagaan nya yung bata na parang sarili nyang anak. College graduate si Mely kaya mas madali siya na-promote bilang supervisor. At syempre, lumaki ang sweldo nya. Kaya ang nangyari, naging taong bahay na lang si Gabs.

Siya nag mas napupuyat sa gabi sa pag-aalaga sa baby, siya mas natataranta pag may sakit ito, at siya na din ang unang nagturo nito magbasa at magsulat. In short, naging tatay at nanay sya, at kita naman namin na masaya siya. Pero dahil nga wala naman silang legal papers, wala syang kahit kapirasong legal na karapatan at proteksyon.

Mga 2003, lumipat kami sa Batangas so nawalan na kami ng balita sa kanila. Pero nung 2016, in-add ako sa Facebook ng dati naming kapitbahay at nakita ko na friends sila ni Mely. Nakita sa mga photos nya, binatliyo na yung bata at nasa UK sila at may asawang lalaki na si Mely. Si Gabs naman, nandun pa rin at namumuhay ng solo.

December 2017, naisip naming mag-anak na pumasyal sa San Pedro para kumbaga reunion lang ng mga dating magkakapitbahay. Aaminin ko, naluha ako nung makita ko si Gabs. Ang laki ng itinanda nya at halatang hirap sa buhay. Di sya masyado nagkwento, pero sabi niya 2010 daw siya iniwan ni Mely, dala syempre anak nya.

Sabi nung kapitbahay namin, dumalas daw pag-aaway ni Mely kay Gabs at mula nung naging manager siya. Pero si Gabs, oo lang ng oo kasi nga siguro sobrang mahal niya ito. Hanggang nagka boyfriend si Mely at biglang nawala na lang. At dahil high school lang ang natapos ni Gabs at nasa 50s na, di na din sya matanggap sa trabaho.

Dati daw, medyo nagpapadala pa ng pera sa kanya si Mely kahit paano, pero mga 10 months na daw wala. Para mabuhay, nagpe-pedicab driver sya kahit halatang may rayuma na. In short, di nya napaghandaan ang pagtanda kasi nga inubos nya ang lakas at oras nya sa pagmamahal kay Mely at sa anak nito. Ang masakit, wala siyang habol.

Solong anak pala si Gabs, parehong patay na ang mga magulang nya at walang ibang kamag-anak na matutuluyan o mag-aalaga sa kanya. Wala din syang SSS o pension na aasahan. Pero dahil ok naman siya makisama, binibigyan siya minsan ng pera o ulam ng mga kapitbahay nya. Kaso sympre, di naman nya pwde asahan na merong tutulong.

Sabi ni Gabs sa akin, wala naman daw pinagsisihan kasi mahal nya talaga si Mely, pati yung anak nya. Naisip nya naman din daw na tatanda siya, at posibleng mag-asawa si Mely. Ang wish nya lang sana, kahit paano may legal syang karapatan. Kasi kahit naman yumaman siya, kung wala nga naman sa batas, e di wala talaga syang laban.



Alam ko, may ibang mga tomboy at bakla ang halos ganito din ang istorya. Pero naisip ko, kung legal ang same-sex civil union, at least may legal na karapatan sila. Ang tanong ko tuloy, ano ba ang problema kung maging legal ito? May mababawas ba sa pagkatao natin bilang Pilipino? Magagalit ba ang Diyos at masusunog ba tayo sa impyerno pag naging batas ito?



No comments:

Post a Comment